1 - Itinayo ng karunungan ang kaniyang bahay, kaniyang tinabas ang kaniyang pitong haligi:
2 - Pinatay niya ang kaniyang mga hayop: hinaluan niya ang kaniyang alak; kaniya namang ginayakan ang kaniyang dulang.
3 - Kaniya namang sinugo ang kaniyang mga alilang babae; siya'y sumisigaw sa mga pinakapantas na dako sa bayan:
4 - Kung sinoma'y musmos, pumasok dito: tungkol sa kaniya na mapurol sa pagunawa, sinasabi niya sa kaniya:
5 - Kayo'y magsiparito, magsikain kayo ng aking tinapay, at magsiinom kayo ng alak na aking hinaluan.
6 - Iwan ninyo, ninyong mga musmos at kayo'y mabuhay; at kayo'y magsilakad sa daan ng kaunawaan.
7 - Siyang sumasaway sa manglilibak ay nagtataglay ng kahihiyan sa kaniyang sarili: at siyang sumasaway sa masama ay nagtataglay ng pula sa kaniyang sarili.
8 - Huwag mong sawayin ang manglilibak, baka ipagtanim ka niya: sawayin mo ang pantas, at kaniyang iibigin ka.
9 - Turuan mo ang pantas, at siya'y magiging lalong pantas pa: iyong turuan ang matuwid, at siya'y lalago sa pagkatuto.
10 - Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan: at ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan.
11 - Sapagka't sa pamamagitan ko ay dadami ang iyong mga kaarawan, at ang mga taon ng iyong buhay ay magsisidami.
12 - Kung ikaw ay pantas, ikaw ay pantas sa ganang iyong sarili: at kung ikaw ay manglilibak, ikaw na magisa ang magpapasan.
13 - Ang hangal na babae ay madaldal; siya'y musmos at walang nalalaman.
14 - At siya'y nauupo sa pintuan ng kaniyang bahay, sa isang upuan sa mga mataas na dako sa bayan,
15 - Upang tawagin ang nangagdadaan, na nagsisiyaong matuwid ng kanilang mga lakad:
16 - Sinomang musmos ay pumasok dito: at tungkol sa kaniya na mapurol sa pagunawa, sinasabi niya sa kaniya:
17 - Ang mga nakaw na tubig ay matamis, at ang tinapay na kinakain sa lihim ay masarap.
18 - Nguni't hindi niya nalalaman na ang patay ay nandoon; na ang mga panauhin niya ay nangasa mga kalaliman ng Sheol.